Press Releases
Libu-libong aplikante, nakilahok sa Job Fair ng DOLE MIMAROPA

 

Kaugnay ng pagdiriwang ng ika-115th Araw ng Paggawa noong Mayo 1, 2017, mahigit kumulang dalawang libong aplikante ang nakilahok sa inilunsad ng malawakang Job Fair sa buong rehiyon ng Department of Labor MIMAROPA na isinagawa sa Puerto Princesa City, Palawan; Roxas, Oriental Mindoro at San Jose, Occidental Mindoro.

 Isandaan at apat (104) sa mga aplikanteng ito ay ganap na natanggap sa inaplayang trabaho sa mismong araw ng Job Fair o tinatawag na Hired on The Spot (HOTS). Ilan sa mga ito ay natanggap ng EPSON Technologies, Jollibee at Palawan Pawnshop. Kabilang dito sina Isel Bajala Atienza, dalawampu’t limang taong gulang at nakapagtapos ng kursong Bachelor of Science in Information at si Edmar Mecca, dalawampung taong gulang, residente ng Roxas, Oriental Mindoro. Sa panayam sa kanila ng DOLE, pinasalamatan nila ang departamento at ang mga katuwang nitong ahensya sa pagdaraos ng Job Fair kung saan inilapit umano sa kanila ang pagkakataong magkaroon ng maayos na trabaho.

 Nakapagtala naman ng siyam na raan at walumpu’t pitong (987) aplikante na kailangan na lamang kumpletuhin ang mga requirements ng kumpanya upang makapagsimula ng trabaho o nasa kategoryang Near Hire Applicants.

Binubuo ng limampu’t isang (51) lokal na ahensya, walong (8) overseas recruitment agencies at tatlong (3) mga ahensya ng gobyerno kabilang ang TESDA, Professional Regulations Commission (PRC) at Civil Service Commission (CSC) ang lumahok sa isinagawang Job Fair sa rehiyon.

Ipinaabot naman nina Regional Director Atty. Alvin M. Villamor at Assistant Regional Director Atty. Sixto Rodriguez, Jr. sa lahat ng lumahok sa Job Fair sa buong rehiyon ang mahalagang mensahe ni DOLE Secretary Silvestre H. Bello III. “Ang Pandaigdigang Araw na ito ay hindi pangkaraniwang okasyon ng pagdiriwang. Bagkus ito ay hudyat ng katuparan ng ating pangako na bumuo ng pamahalaang tunay na naglilingkod sa mamamayan at sa bayan. Ito rin ang araw na nagpapaalala sa atin na paigtingin ang pagsulong sa karapatan ng mga manggagawa, gayundin ang pagtataguyod ng kanilang kagalingan. Ang Araw ng Paggawa ay araw din ng pagkilos upang maisakatuparan ang adhikain ng “Ambisyon Natin 2040” (A Long Term Vision for the Philippines) na may hangarin na ang lahat ng Filipino ay magkaroon ng matatag, maginhawa at panatag na buhay. At dito nakasalig an gating tema sa pagdiriwang na ito: “Matatag na Kabuhayan at Trabaho, Tungo sa Progresibong Pagbabago.” Ito ang ilan sa bahagi ng pahayag ng kalihim.

Lubos naman ang naging pasasalamat ni Mayor Violeta Dimapilis ng Roxas, Oriental Mindoro sa pagdaraos ng Job Fair sa kanilang bayan na ayon sa kanya, pagkatapos ng ilang dekada ay ngayon lamang muli nagkaroon ng ganitong oportunidad ang mga residente ng Roxas.

Sa nasabing Job Fair, maging ang Professional Regulations Commission ay nagbigay-serbisyo sa mga naglalayong i-renew ang kanilang lisensya, ganundin ang Civil Service Commission na tumanggap ng aplikasyon para sa nalalapit na Civil Service Examination.

 Katuwang pa rin ng DOLE ang mga Local Government Units, Public Employment Services Offices (PESOs) at iba pang ahensya ng gobyerno sa pagsasakatuparan ng ginanap na Job Fair.

 

End/Lorie Catapang

DOLE MIMAROPA LCO Designate

 

 

 

[Back]
[Print]
2017-05-17
ATTY ALVIN VILLAMOR

Welcome to the official home of the Philippine Department of Labor and Employment, or D
Contact us:
Name

Your Email

Title/Subject

(Maximum characters: 50)
You have characters left.

Your Message

(Maximum characters: 300)
You have characters left.