Press Releases
CASEMPCO’s JOURNEY

Mahigit kumulang isa’t kalahating oras mula sa Lungsod ng Calapan matatagpuan ang simple at tahimik na bayan ng Pola. Kilala ang Pola sa taglay nitong de-kalidad na uri ng niyog na base sa pag-aaral ng mga eksperto, ay sa bayang ito lamang natatangi. At mula nga sa natatanging biyayang ito, sumibol ang proyekto ng Calima Socio-Economic Multi-Purpose Cooperative or CASEMPCO sa Barangay Calima, bayan ng Pola.

Ang Barangay Calima ay inihihiwalay ng ilog mula sa Poblacion ng Pola at mararating lamang sa pamamagitan ng bangka ngunit konektado naman sa mga kalapit na bayan ng Socorro at Pinamalayan.

Sa simula pa lamang ay suportado na ng lokal ng pamahalaan ng Pola sa pamumuno ni Mayor Leandro Panganiban, Jr. ang proyekto ng CASEMPCO.

Dahil sa maraming benepisyong nakukuha mula sa virgin coconut oil, sinimulan ng CASEMPCO ang proyektong pangkabuhayan mula sa mga niyog upang magkaroon ng dagdag na kita ang mga miyembro nito. Nagsimula sila sa manual na pagproseso ng virgin coconut oil at noon lamang taong 2013 napagkalooban ng DOLE ng pinansyal na tulong na nagkakahalagang mahigit one hundred fifty thousand pesos. Ang pondong ito ay ginamit ng grupo upang makabili ng mga kagamitan at ilan pang makinarya upang mas mapabilis at mapaunlad ang produksyon ng grupo. At mula nga noon, mas dumami pa ang mga tumangkilik sa produkto ng CASEMPCO mula sa iba’t ibang bayan ng Oriental Mindoro hanggang umabot na sa Maynila at sa ibang probinsya. Marami na rin sa mga consumers ay nagpapadala ng virgin coconut oil sa mga kamag-anak sa ibang bansa at patuloy na nakakatanggap ng orders mula sa mga ito. Patunay lamang na ang virgin coconut oil na gawa ng CASEMPCO ay may mataas na kalidad at maari ng ihanay sa mga produktong pang-export.

Gumagawa na rin ng coco coir ang CASEMPCO mula sa bunot o balat ng niyog na ginamit nila sa produksyon ng virgin coconut oil. Ito ay patunay lamang na patuloy ang grupo sa pagtuklas ng mga bagong kaalaman at teknolohiya upang mas maging maunlad at kapaki-pakinabang ang kanilang proyektong pangkabuhayan.

Dahil sa magandang proyekto ng grupo, maging ang ibang ahensya ng gobyerno ay nag-abot na rin ng tulong sa kanila, kabilang dito ang DAR, DTI at DOST. Kaya naman, mula sa proyektong virgin coconut oil, sinubukan rin ng CASEMPCO ang paggawa ng turmeric tea na gawa sa luya at luyang dilaw. Hindi naging mahirap sa kanila ang palaguin ang produksyon nito sapagkat sila mismo ang nagtatanim ng mga luya sa kanilang sariling mga lupa at binibili ng CASEMPCO sa halagang 35 pesos per kilo ang pinakamababa at 60 pesos per kilo ang pinakamataas, depende sa dami ng supply ng luya. Ayon sa kanila, organically grown ang mga luyang ginagamit nila sa paggawa ng turmeric tea.

Nakapagtala ang grupo ng total sales na forty thousand six hundred thirty one pesos (P40,631.00) noong 2014, one hundred eighty seven thousand and two hundred ninety eight pesos (P187,298.00) noong 2015 at umabot naman ng three hundred twenty six thousand and nine hundred eighty four pesos (P326,984.00) noong nakaraang taon.

Sa kasalukuyan, sa tulong pa rin ng DAR, nagpapatayo ng sariling building ang CASEMPCO sa nabili nitong lupa na umaabot ng 400 square meters. Ayon sa kanila, nagkaloob ng 450 thousand pesos ang DAR para sa ipinapatayong building.

Patuloy rin naman ang suporta ng lokal na pamahalaan ng Pola sa proyekto ng CASEMPCO.

Maliban sa proyektong pangkabuhayan ng CASEMPCO, ang kooperatiba ay isa ring kaagapay ng ibang grupong naglalayong pangalagaan ang kumunidad. Katuwang sila ng Conservation International sa pagpapalago ng mga mangroves sa coastal bay ng Barangay Calima. Ang mga miyembro ng CASEMPCO ay tulung-tulong sa pag-aalaga at pagpapalaki ng mga mangroves upang higit pang paunlarin ang iba pang biyaya ng Pola tulad ng karagatan at mga isdang isa rin sa pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan ng mga tao dito.

 

Ang tagumpay ng CASEMPCO mula sa mga lokal na puno at halaman ng Pola ay hindi lamang tagumpay ng samahan kundi tagumpay rin ng buong bayan.

[Back]
[Print]
2017-09-15
ATTY ALVIN VILLAMOR

Welcome to the official home of the Philippine Department of Labor and Employment, or D
Contact us:
Name

Your Email

Title/Subject

(Maximum characters: 50)
You have characters left.

Your Message

(Maximum characters: 300)
You have characters left.