Press Releases
Halamang-Dagat

“Tambalang” o “Guso”, ito ang tawag ng mga lokal na mamamayan sa seaweeds o mga halamang tumutubo sa dagat. Maaaring ilan lamang sa atin ang nagbibigay-pansin sa mga halamang ito. Maaari ding hindi lahat sa atin ay nakakaalam na ang mga seaweeds ay may mataas na nutritional content kabilang dito ang iodine, calcium at magnesium. Mayroon din itong anti-inflammatory and anti-microbial agents. Ito ang binigyang halaga ng Samahang Manggagawa sa Balatasan o SAMASABALATASAN na matatagpuan sa bayan ng Bulalacao, Oriental Mindoro.

Mahigit-kumulang limang oras na byahe mula Calapan City, ang capital ng Oriental Mindoro, at siyam na bayan ang kailangang lampasan bago marating ang pinakadulong bayan: ang Bulalacao. At sa isang barangay dito, matatagpuan ang SAMASABALATASAN na isinunod sa pangalan ng kanilang barangay. Taong 2005 nang unang mabuo ang grupo at nagparehistro sa DOLE na nagsimula na may 18 miyembro lamang at sa kasalukuyan ay nasa 70 na ang kasapi dito.

Taong 2008 naman nang simulan ng SAMASABALATASAN ang seaweed farming sa ilalim ng convergence project ng Department of Agrarian Reform, Department of Agriculture-FTC at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources MIMAROPA. Iba’t ibang klase ng seaweeds ang pinalalago ng mga miyembro nito na ginagamit naman sa paggawa ng noodles, pickles, crackers at maging herbal soaps ay nagagawa na rin mula sa seaweeds.

Subalit hindi sapat ang pinansyal na kakayahan ng grupo upang mas palaguin ang kanilang kabuhayan at mas makilala ang kanilang produkto. Kaya naman, ang DOLE Oriental Mindoro Field Office sa pamumuno ni Engr. Juliana Ortega katuwang si Ramezes Torres, Livelihood Program Focal Person at sa pag-apruba ni DOLE MIMAROPA Regional Director Atty. Alvin M. Villamor ay nagkaloob ng tulong pinansyal sa samahan na nagkakahalaga ng six hundred fifty six thousand two hundred twenty nine pesos (P656,229.00) sa ilalim ng DOLE Kabuhayan Program. Ito ay kaugnay pa rin ng convergence project kasama ang DAR, DA at BFAR MIMAROPA. Ang nasabing pondo ay ginamit upang makabili ng mga kagamitan ang samahan na magagamit sa kanilang produksyon. Dahil na rin sa madalas na pagkawala ng kuryente sa lugar, kasama sa binili ng DAR bilang accredited co-partner ng DOLE sa pag-aabot ng pondo sa samahan, ang isang power generator upang hindi maantala ang produksyon ng SAMASABALATASAN.

Buwan ng Disyembre nagsisimulang magtanim ng seaweeds. Ang mga semilya ng seaweeds ay itinatali na may kasamang boya bago ito ilubog ng may isang talampakan sa dagat. Ang mga boya ay nagsisilbing pananda kung saan nakatanim ang mga seaweeds. Habang lumalaki ang mga seaweeds, kailangan din itong bantayan at alagaang mabuti upang hindi pamahayan ng lumot at kainin ng mga isda. Tatlong buwan din ang palilipasin bago anihin at maibenta ang mga seaweeds. Maging ang mga hindi miyembro ng SAMASABALATASAN ay kumikita rin sa mga nabebenta nilang seaweeds sa grupo.

Ilang araw ibinibilad ang mga seaweeds para matuyo bago ito bilhin ng SAMASABALATASAN. Ipinakita ng grupo ang ilan sa proseso ng kanilang produksyon. Para makagawa ng noodles, ang mga tuyong seaweeds ay pakukuluan hanggang sa lumapot bago ihalo sa harina at itlog na may lihiya at kunting asin gamit ang mixer. Pagkatapos nito, ito ay mamasahin gamit ang noodle making machine hanggang sa mabuo. Puputulin ito sa katamtamang sukat bago naman ipadaan sa cutting machine at maging parang maninipis na hibla. Ang mga tila hiblang ito ay ilalagay naman sa strainer bago ilagay sa mainit na mantika para iprito. At pagkatapos nga ng ilang minutong nakababad sa mantika, mayroon ng crunchy pancit noodles. Kapag malamig na, ibabalot na ito sa plastic at pwedeng pwede ng ibenta. Ang labindalawang kilo ng harina ay nakakagawa ng 60 packs ng noodles na ibinibenta sa halagang 35 pesos per pack.

May tatlong klase naman ng sabon ang ginagawa ng SAMASABALATASAN. May calamansi, papaya at akapulko soap. Ipinasilip rin ng grupo kung paano ito ginagawa. Kumuha muna ng katas ng niyadyad na papaya (kasama ang balat nito) at ipinaghalo-halo sa iba pang ingredients bago ito inilagay sa blender upang mas mahalo ng mabuti. Pagkatapos ay ilalagay sa pahabang kahoy upang doon mas patuyuin at patigasin ang sabon. Ito ay hahatiin gamit ang improvised cutter pagkatapos ng isang araw at pwede na ring ibenta sa halagang twenty five (25) pesos bawat isa.

Base sa record ng grupo, mayroong total sales na one hundred five thousand and nine hundred seventy eight pesos (105,978.00) noong 2015 at one hundred forty three thousand and three hundred twelve pesos (143,312.00) noong 2016. Patunay lamang na nagsisikap ang grupong paunlarin ang kabuhayan ng samahan at matulungan ang bawat miyembro nito. Patuloy namang susuportahan ng DOLE MIMAROPA ang hangarin ng samahan upang mas maging matagumpay pa ito. 

 

[Back]
[Print]
2017-09-15
ATTY ALVIN VILLAMOR

Welcome to the official home of the Philippine Department of Labor and Employment, or D
Contact us:
Name

Your Email

Title/Subject

(Maximum characters: 50)
You have characters left.

Your Message

(Maximum characters: 300)
You have characters left.